Dumarami ang may depresyon
NAKAKABAHALA ang resulta ng isang pandaigdigang pag-aaral na ginawa ng insurance company na AXA tungkol sa kalusugang pangkaisipan ng mga nagsisipagtrabaho. Ayon sa pag-aaral, pito sa bawat sampung Pilipino na nagtatrabaho ay nakakaranas ng iba’t ibang uri ng kalungkutan (anxiety), kabigatan (stress) at depresyon. Isa ito sa pinakamataas sa buong mundo, ayon sa naturang pag-aaral.
Kabilang sa mga paulit-ulit na nararanasan ang mga sumusunod: Madaling pagkapagod, hirap sa pagtulog, matinding kalungkutan at takot, kawalan ng pakialam sa mga nagaganap sa paligid, hirap mag-isip, pagbagsak ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili, at kawalan ng ganang kumain.
Kabilang sa pinagmumulan ng mga ganitong karanasan ang mga sumusunod: Mabuway na kabuhayan at trabaho, kawalan ng katiyakan sa kinabukasan, kalungkutan at pagkakawalay sa mga mahal sa buhay, pagkatakot sa mga kalamidad na tulad ng climate change, at palagiang pagkahantad sa masasamang balita. Kung nangyayari ang ganitong malungkot na karanasan sa mga Pilipinong may trabaho, paano na ang mga walang trabaho?
Mahirap ang kalagayan ng walang-wala. Pero lalong mahirap ang kalagayan ng isang taong lahat ng wala ay mayroon siya. Walang matakbuhan—mayroon siya noon. Walang makapitan mayroon siya noon. Walang pag-asa mayroon siya noon. Iyan ang ibig sabihin ng lahat ng wala ay mayroon siya. Ang isang taong nasa ganitong kalagayan ay tiyak na babagsak sa kalungkutan, kabigatan at depresyon.
Noong araw, ang mga Pilipino ay kilala sa pagiging masayahin at madaling makabangon mula sa matinding kabiguan. Ito ang tinatawag na resiliency. Kaya naman kahit sa gitna ng kalamidad, kapag kinuhanan mo ng litrao o video ang mga nabiktima ng kalamidad, siguradong kakaway at ngingiti.
Ang resiliency ng mga Pilipino ay pinaniniwalaang bunga ng pagiging relihiyoso at pagkakaroon ng matatag na pamilya. Bakit ngayon ay nangunguna ang mga Pilipino sa may mataas na depresyon sa buong mundo?
Nabawasan ba ang pagkarelihiyoso ng mga Pilipino. Palagay ko’y hindi. Puno pa rin ang mga simbahan at milyun-milyon pa rin ang mga Pilipinong namamanata. Ang nabawasan ay ang espiritwalidad na may kinalaman sa malalim na kaugnayan sa Diyos. Ang may malalim na kaugnayan sa Diyos ay hindi basta-basta naigugupo ng mga problema’t trahedya dahil sumasampalataya siya sa isang Diyos na laging handang tumulong.
Bunga ng pananampalataya, nakikita niya ang mga bagay na kanyang inaasahan. Isang magandang depinisyon ng pananampalataya ay ang Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Walang imposible sa isang taong sumasampalataya.
Nabawasan ba ang katatagan ng pamilyang Pilipino? Napakaraming pwersang nagpapahina sa dati’y solidong pamilyang Pilipino. Isa na rito ang patuloy na pagdagsa ng OFWs sa ibang bansa. Maraming pamilyang Pilipino ang hindi kumpleto, isa sa magulang ay wala, sapagkat nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang mga anak ay naiwan sa lolo o lola o dili kaya’y sa mga katulong.
Umunlad nga ang buhay materyal ng mga pamilya, ngunit bumagsak naman ang buhay espiritwal na nagresulta sa pagbagsak ng pamilya. Hindi sapat ang pera para mapanatiling matatag ang pamilya. Kailangan ang presensya ng isa’t isa. Kung obsesyon ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapatatag ng ekonomiya, kailangang maging obsesyon din nito ang pagpapatatag ng pamilyang Pilipino, sapagkat ang katatagan ng isang bansa ay nakasalalay sa katatagan ng pamilya.
- Latest