Vlogger nagpakalat ng fake news sa raid sa bahay ni Du30, kinasuhan
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kaso ng Davao City Police Office ang isang vlogger matapos magpakalat ng fake news sa social media hinggil sa isasagawa umanong raid ng pulisya sa tahanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Doña Luisa Subdivision, Matina, lungsod ng Davao.
Ayon kay Col. Hansel Marantan, acting city director Col. Hansel Marantan, ang vlogger na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ay sinampahan na kamakalawa ng hapon ng kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances) kaugnay ng Section 6 sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nitong Abril 30 ay nag-live sa Facebook ang nasabing vlogger at sinabi nitong papunta na umano ang nasa 30 na armadong operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at 90 na Special Action Force na mula pa sa Luzon para magsagawa ng pagsalakay sa tahanan ni Duterte sa nasabing lugar. Ini-upload pa nito ang mga pekeng impormasyon nitong Mayo 1,2025.
Sinabi ni Marantan na ang hindi beripikado at maling impormasyon na ipinakalat ng nasabing vlogger sa kaniyang Facebook live na nag-viral ay lumikha ng pag-aalala at matinding tensiyon sa lungsod mula sa kampo ng pamilya at maging sa mga supporters ng dating Punong Ehekutibo.
Ayon kay Marantan, ang Police Station 15 (Ecoland) sa ilalim ng pamumuno ni P/Major Butch Kevin Rapiz sa pakikipagkoordinasyon sa Regional Anti-Cyber Crime Unit 11 ang namuno sa imbestigasyon at naghain ng reklamo sa City Prosecutor’s Office. Lumitaw na walang nangyaring raid sa bahay ni Duterte.
- Latest