Labanan sa Maguindanao: 2 patay, 2 armadong grupo tugis!
MANILA, Philippines — Naglunsad na ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng hot pursuit operations laban sa dalawang armadong grupo na nasangkot sa madugong engkuwentro na ikinasawi ng dalawa katao kabilang ang isang kandidatong municipal councilor sa Pandag, Maguindanao del Sur noong Sabado.
“We are in continuous pursuit operation. As of this time, patuloy pa po ang operations natin,” pahayag ni AFP spokesman Col. France Margareth Padilla.
Nitong Sabado, sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, ng Army’s 6th Infantry Division (ID), na nagkaroon ng engkuwentro ang armadong grupo, isa rito ay mula sa kampo ng brgy. chairman sa Brgy. Lower Dilag sa nasabing bayan laban sa grupo ng isang tinukoy sa pangalang Morsid Mamalinta.
Sa nasabing insidente ay dalawa ang nasawi, isa rito ay si Emran Mamalinta alyas Mengko, kumakandidato bilang konsehal ng bayan at isang hindi pa nakikilala. Isa rin ang napaulat na nasugatan habang pito naman ang nasakote.
Agad namang rumesponde ang tropa ng 2nd Mechanized Battalion kasama ang mga elemento ng 4th Special Action Battalion ng PNP at Pandag MPS upang pahupain ang tensyon, subalit maging sila rin ay pinaputukan ng humigit-kumulang 15 armadong kalalakihan, kaya napilitang gumanti ang tropa ng pamahalaan. Tumagal ang palitan ng putok ng halos isang oras at kalahati.
Sa isinagawang clearing operation, narekober ng awtoridad ang iba’t ibang uri ng armas at bala mula sa mga naaresto. Kabilang dito ang tatlong M16 rifles, dalawang grand rifles, isang M653 rifle na may M203 grenade launcher, tatlong 40mm grenades, mga magasin at bala, at dalawang bandolier.
- Latest