K-12 grads puwede nang magtrabaho sa gobyerno

MANILA, Philippines — Maaari nang makapasok ng trabaho ang mga graduates ng senior high school.
Ito ay dahil binuksan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga entry level position sa mga graduates ng K-12 program para mapalawak ang kanilang mga pagkakataon para makapagtrabaho sa pampublikong sektor.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, naglabas ang Civil Service Commission (CSC) ng Resolution No. 2500229 na nag-aamyenda sa mga kuwalipikasyong kailangan para sa mga unang antas ng posisyon sa gobyerno para isama ang mga nagtapos ng senior high school.
Ang nasabing resolusyon na inilabas noong Marso 6, 2025 ay nagbibigay-daan sa pagkuha ng mga nagtapos ng Grade 10 at Grade 12 simula taong 2016, alinsunod sa mga binagong pamantayan sa edukasyon.
“Ngayon, kinikilala na ang mga sumusunod na Grade 10 completers simula 2016, Grade 12 graduates simula 2016, at mga nagtapos ng tech-voc (technical-vocational) track na may TESDA NC II Certification,” pahayag ni Castro.
Layon ng repormang ito ng CSC na magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na makapasok sa serbisyo publiko, kasabay ng mga layunin ng K-to-12 program.
Sa binagong alituntunin ng CSC, inamyendahan ang mga dating qualification requirements para sa mga posisyong clerical, custodial, at iba pang sub-professional upang iayon ang mga pamantayan sa pagkuha ng empleyado sa mga naging resulta ng K-to-12 education system.
Nilinaw naman ng CSC na hindi saklaw ng binagong pamantayan sa edukasyon ang mga posisyon na nangangailangan ng espesipikong degree sa kolehiyo o propesyong sakop ng board exam o batas.
Dagdag pa ng CSC, kinakailangan pa ring matugunan ng aplikante ang iba pang kwalipikasyon para sa posisyon, tulad ng kaukulang training, karanasan, at civil service eligibility upang makonsidera para sa pag-a-appoint at nakasalalay pa rin ang pagpapasya ng appointing officer at regulasyon ng CSC.
- Latest