Gagamiting robe sa impeachment trial ipinasilip

MANILA, Philippines — Ipinasilip ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Huwebes, Mayo 15, 2025, ang isa sa Oxford crimson robe na isusuot ng mga senador kapag sila ay maupo bilang mga hukom para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang Oxford crimson robe ay sumisimbolo sa pagbabago ng trabaho ng mga senador mula sa pagiging tagapagtaguyod ng mamamayan tungo sa pagiging walang kinikilingan na mga mahistrado ng impeachment court.
Sinabi ni Escudero na sisikapin nilang balansehin ang trabaho bilang mga senador.
“Yun ang sisikapin namin gawin at balansehin. Hopefully, yung aming panukalang schedule ay yan ang ma-carry ng plenaryo, kung saan ang sinasabi ko nga sana, umaga ang trial at hapon ang sesyon ng Senado,” ani Escudero.
Sa isang press briefing, sinabi ni Escudero na tatalakayin ng Senado, sa sandaling magpulong bilang impeachment court, ang Rules of Procedure kapag nagpatuloy ang sesyon sa Hunyo.
Sinabi rin ni Escudero na nagpapatuloy sa paghahanda ang Senado habang nakabinbin ang anumang desisyon ng Korte Suprema na magpapahinto sa mga paglilitis sa impeachment.
- Latest