CA, nag-isyu ng TRO vs suspension order kay Cebu Governor Garcia

MANILA, Philippines — Nagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Court of Appeals (CA) laban sa inisyung anim na buwang suspension order ng Office of the Ombudsman kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia.
Kinatigan ng CA Special 17th Division ang petisyong inihain ni Garcia na humihiling na harangin ang naturang suspensiyon laban sa kanya.
“Wherefore, premises considered, the prayer for the issuance of a Temporary Restraining Order is granted,” bahagi pa ng desisyon, na iniakda ni CA Associate Justice Marietta S. Brawner-Cualing.
Ayon sa Appellate Court, epektibo sa loob ng 60-araw ang naturang TRO na nag-aatas kay Ombudsman Samuel Martires na itigil ang pagpapatupad ng suspension order na may petsang Abril 23, 2025.
Inatasan din naman nito ang mga respondents sa petisyon ni Garcia na magsumite ng komento hinggil dito sa loob ng 10-araw at ipakita kung bakit hindi dapat na magpalabas ang hukuman ng Writ of Preliminary Injunction.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo kaugnay sa umano’y pagkakaloob ni Garcia ng special permit sa isang construction company noong nakaraang taon nang walang kaukulang Environmental Compliance Certificate o Certificate of Non-Coverage mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Una naman nang ipinaliwanag ni Garcia na ang naturang special permit ay biglang tugon sa lumalalang kakulangan ng tubig sa Metro Cebu at iba pang lugar, na nasa ilalim ng Metropolitan Cebu Water District (MCWD).
Nanindigan din si Garcia na ang kautusan ng Ombudsman ay paglabag sa Omnibus Election Code.
- Latest