Pangulong Marcos: Bumoto nang matalino

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang mga mamamayan na bumoto ngayong Mayo 12, Lunes.
Ayon sa Pangulo, dapat gamitin ng mga botante ang kanilang katapatan at gampanan ang tungkulin bilang mga mamamayan.
“Ngayong halalan, gamitin natin ang ating karapatan at gampanan ang ating pananagutan bilang mamamayang Pilipino,” ani Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na ang pagboto ay isang pagkakataon ito para marinig ang boses ng bawat isa at maipahayag ang mga pangarap na mahalaga sa lahat at sa bayan.
Idinagdag ng Pangulo na kahit pa magkakaiba ang paniniwala at opinyon ng bawat mamamayan hindi ito dapat pagmulan ng gulo at pananakot.
“Iba’t iba man ang ating paniniwala, ‘yan ang diwa ng demokrasya. Pero ang pagkakaiba ng opinyon ay hindi dapat mauwi sa gulo o pananakot,” ani Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na dapat ipaglaban ang kinabukasan sa balota. “Hindi sa lansangan. Hindi sa karahasan.”
Pinaalalahanan din ng Pangulo ang mga botante na piliin ang tapat, may malasakit at may kakayahang magsilbi.
“Kaya bumoto po tayo. Piliin ang tapat, may malasakit, at may kakayahang magsilbi,” ani Marcos.
Idinagdag ng Pangulo na dapat igalang ng mga kandidato ang proseso at tapusin ang halalan ng may dangal at katahimikan.
Dapat din aniyang magtulungan upang mapanatili ang isang maayos, mapayapa, at makatarungang halalan.
“Mabuhay ang sambayanang Pilipino. Mabuhay ang ating demokrasya,” ani Marcos Jr.
- Latest