Pangulong Marcos nanawagan ng pagkakaisa sa ASEAN

MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga lider ng ASEAN para sa isang makatao, inklusibo, at tuluy-tuloy na pag-unlad sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng rehiyon at ng buong mundo.
Sa kanyang talumpati sa plenary session ng ika-46th ASEAN Summit sa Malaysia, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng temang “Inclusivity and Sustainability” na dapat maramdaman ng lahat, lalo na ng mga karaniwang mamamayan.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi sapat na may pag-unlad kung may naiiwang sektor ng lipunan, gayundin ang pantay na oportunidad at tulong, lalo na sa panahon ng krisis gaya ng pagbabago ng klima, pandemya, at kahirapan.
Iginiit din ng Pangulo ang mahalagang gampanin ng kabataan sa kinabukasan ng ASEAN.
Sa Pilipinas pa lamang, higit 30 milyong kabataan ang itinuturing niyang susi sa pagbabago at sa pagpapaunlad ng rehiyon.
Kabilang din sa mga tinutukan ng talumpati ng Pangulo ang pangangailangan ng agarang legal na kasunduan para sa South China Sea upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang tensyon sa karagatan.
Kasabay nito hinikayat din ni Pangulong Marcos ang mas malawak na kooperasyon sa harap ng mga hamon sa klima, kalakalan, at seguridad, maging ang pagtiyak ng sapat at madaling ma-access na pondo para sa mga bansang apektado ng climate change.
Iginiit ng Pangulo na dapat patuloy na makipag-ugnayan ang ASEAN sa mga kaalyado, hindi lang upang palakasin ang ugnayan, kundi upang itaguyod ang tunay na diwa ng kapayapaan, pagkakaisa, at sabayang pag-unlad sa rehiyon.
- Latest