Mandato ng prosecution sa impeachment ‘di mababago ng survey
MANILA, Philippines — Hindi mababago ng anumang resulta ng survey ang mandato ng prosecution panel para ituloy ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang diin ni 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez bilang reaksiyon sa resulta ng survey na nasa 50% ng mga Pinoy ay tutol na isalang sa Senate impeachment si VP Duterte.
Ang Senate impeachment court ay nakatakdang mag-convene sa darating na Hunyo 3 kung saan pinaghahanda na ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga bumubuo sa House prosecution panel.
Ayon kay Gutierrez, base sa nagdaang halalan ay hindi na dapat maging sukatan ang survey sa tunay na pulso ng higit na nakararami matapos na magwagi ang mga kandidato sa senatorial race na wala naman sa Magic 12 ng naturang mga survey.
Habang ang iba naman na sinasabi sa survey na nasa ‘winning circle’ ay pawang nalaglag pagdating ng botohan.
Sa Pulse Asia “Pulso ng Bayan” survey mula Mayo 6-9 sa 1,200 rehistradong botante, 50% ang tumutol sa paghahain ng impeachment complaint, 28% pumabor, at 21% ang hindi tiyak.
Si VP Duterte ay ini-impeach ng Kamara noong Pebrero 5, 2025, dahil sa mga paratang ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pa.
- Latest