Senado handa na sa impeachment trial ni VP Sara
MANILA, Philippines — Nakahanda na ang Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na sisimulan sa Hunyo 2 kung saan inaasahang babasahin ang Articles of Impeachment na kinapapalooban ng mga ibinibintang sa kanya.
Muling magbabalik ang regular na sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2 sa ganap na alas-3 ng hapon.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, plantsado na ang magaganap sa nasabing araw kung saan kikilalanin ng Senado ang panel ng prosecutors ng House para basahin ang kaso laban kay Duterte.
Sinabi ni Bantug na pagkatapos mabasa ang mga kaso sa plenaryo sa Hunyo 2, iaanunsyo ng Pangulo ng Senado ang pagpupulong ng impeachment court para sa susunod na umaga, Hunyo 3.
Si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pipili ng taong mangangasiwa ng kanyang panunumpa bilang presiding officer sa Hunyo 3.
Ayon pa kay Bantug, si Escudero naman ang mangangasiwa ng panunumpa ng lahat ng iba pang senator-judges na dapat ay nakasuot na ng kanilang impeachment robe.
Inaasahan ni Bantug na tatagal ng mahigit isang oras ang unang araw ng impeachment trial, kasama na ang pagpapalabas ng mga summons.
Nauna ng iminungkahi ni Escudero na isagawa ang pre-trial period mula Hunyo 3 hanggang Hulyo 25.
- Latest