Babae sa China, naging marupok ang mga buto sa sobrang paggamit ng sunscreen
Isang 48-anyos na babae ang naging viral sa China matapos mabalian ng buto sa simpleng paggulong sa kanyang kama, isang insidente na iniuugnay ng mga doktor sa matinding kakulangan nito sa vitamin D.
Ayon sa ulat ng mga eksperto sa XinDu Traditional Medicine Hospital sa Chengdu, natuklasan na may vitamin D deficiency ang pasyente, na nagdulot ng mabilis na pagkawala ng bone mass at malalang osteoporosis.
Ayon kay Dr. Long Shuang, ang pasyente ay halos hindi na nasisikatan ng araw mula pa pagkabata, hindi rin ito nagsusuot ng short sleeves tuwing lalabas ng bahay at sobra ang paggamit nito ng sunscreen.
Hindi ito isang isolated na kaso, ayon sa mga eksperto.
Ayon kay Jiang Xiaobing, orthopedic spine specialist mula sa Second Affiliated Hospital of Guangzhou Medical University, maraming tao ngayon ang labis ang pag-iwas sa araw sa ngalan ng proteksiyon sa balat, ngunit nakakaligtaan ang kahalagahan ng araw sa kalusugan ng buto.
“Pagsapit ng edad na 30, unti-unting nababawasan ang bone mass ng tao. Kung kulang sa calcium at vitamin D, mas lalong bumabagal ang pag-absorb ng katawan sa calcium, na mahalaga para sa malusog na buto,” ani Xiaobing.
Bagamat mahalaga ang paggamit ng sunscreen upang maiwasan ang skin cancer at iba pang karamdaman, paalala ng mga eksperto na kailangan pa rin ng balanseng exposure sa araw.
Ang pagbilad sa araw ang pangunahing source ng vitamin D sa katawan, na kritikal hindi lamang sa buto kundi pati na rin sa immune system.
Umani nang matinding diskusyon sa Chinese social media ang naturang kaso, lalo na’t itinuturo ng ilan na ang cultural obsession sa maputing kutis ay maaaring maging sanhi ng seryosong banta sa kalusugan.
- Latest