Malaking hamon sa bagong DENR chief

SI Rafael Lotilla na ang bagong Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary. Siya ang ipinalit ni President Ferdinand Marcos Jr. kay Maria Antonia Loyzaga-Yulo matapos tanggapin ang courtesy resignation nito noong Huwebes. Inatasan ni Marcos ang lahat ng Cabinet members na magsumite ng resignation. Isinailalim sa evaluation ang mga miyembro ng Cabinet at isa si Loyzaga-Yulo sa hindi nakapasa at agad na pinalitan sa puwesto. Itinalaga ni Marcos si Loyzaga-Yulo noong 2022 nang maupo sa puwesto.
Sabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, bagamat walang isyu ng korapsyon si Loyzaga-Yulo, may mga nakakarating naman na sumbong kay Marcos na mas madalas nasa labas ito ng bansa kaya pinagpahinga na ito.
Si Bersamin na nagsumite rin ng resignation ay sinabihan ni Marcos na mananatili sa puwesto bilang Executive Secretary. Bukod kay Bersamin, apat pang Cabinet members ang mananatili sa puwesto. Sila ay sina: Secretary Ma. Cristina Roque ng Department of Trade and Industry; Ralph Recto ng Department of Finance; Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority; Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM); at si Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.
Maraming kahaharaping problema si Secretary Lotilla sa pag-upo sa DENR. Ang mga hindi nagawa ni Loyzaga-Yulo sa tatlong taong pamumuno sa DENR ay dapat niyang punan. Unang-una na ang mga winawasak na bundok dahil sa mga sukab na illegal miners. Patuloy ang pagkalbo sa mga kagubatan dahilan para gumuho at inililibing ng buhay ang mga nasa paanan.
Patuloy ang pagmimina at quarrying na nagiging dahilan nang malawakang pagbaha hindi lamang sa Metro Manila kundi sa maraming lugar ng bansa. Maraming dayuhan (partikular ang mga Chinese) ang walang pakundangan kung magmina sa mga bundok.
Pinayagan ng DENR na mag-operate ang open-pit mining na dati nang ipinatigil noong 2017 ni dating DENR Sec. Gina Lopez. Karamihan sa minimina sa ganitong pamamaraan ay ang copper, gold, silver at complex ores. Ipinatigil ni Lopez ang ganitong pamamaraan ng pagmimina sapagkat sinisira nito ang likas na yaman, winawasak ang mga bundok at nawawalan ng ikinabubuhay ang mga magsasaka at mangingisda. Sabi ni Lopez noong 2016 sa kanyang talumpati, “I don’t like mining, the foreigners and the rich are the only ones benefitting from it but the farmers and the fishermen suffer.”
Ngayong si Lotilla na ang bagong DENR chief, magkaroon kaya siya ng tapang na sawatain ang mga sumisira sa kalikasan at hindi masilaw sa buwis na kikitain sa mining companies.
- Latest