Eala nakatutok sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Tututok ang atensiyon ni Alex Eala sa Wimbledon Championships na papalo sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 13 sa London, England.
Kasalukuyan na itong nasa entry list ng naturang Grand Slam event.
Ngunit wala pang linaw kung awtomatikong makakapasok ito sa main draw lalo pa’t bumaba ito sa ranking ng WTA.
Nasa No. 77 ito sa world rankings.
Inaasahang malalaman ang main draw players sa Hunyo 27.
Makasisiguro na ng puwesto sa main draw ang Top 32 players na nasa WTA rankings sa pangunguna nina No. 1 Aryna Sabalenka, French Open champion at No. 2 Coco Gauff, No. 3 Jessica Pegula, No. 4 Jasmine Paolini, No. 5 Zheng Qinwen, No. 6 Madison Keys, No. 7 Mirra Andreeva, No. 8 Iga Swiatek, No. 9 Paula Badosa at No. 10 Emma Navarro.
Kung hindi makakakuha ng awtomatikong tiket sa main draw si Eala, may isang pagkakataon pa ito para makahirit ng puwesto.
Ito ay sa pamamagitan ng qualifying round kung saan kailangan nito manalo ng dalawa hanggang tatlong laro para makapasok sa main draw.
Matatandaang hindi pinalad si Eala sa kanyang unang pagsalang sa French Open sa Paris, France kung saan maaga itong nasibak sa first round.
Hindi rin maganda ang mga resulta nito sa grass season.
Kamakailan lamang, yumuko si Eala sa first round ng Nottingham Open matapos lumasap ng 3-6, 3-6 kabiguan sa kamay ni Magda Linette ng Poland.
Natalo rin si Eala sa quarterfinals ng Ilkley Open laban kay Rebecca Marino ng Canada, 6-1, 0-6, 6-7 (4).
Nakatakdang sumabak si Eala sa Eastbourne Open sa England kung saan sasalang ito sa qualifying round.
Masisilayan sa aksyon si Eala kontra kay Zeynep Sonmez ng Turkey sa first round ng qualifying na nakatakda Sabado ng gabi (oras sa Maynila).
- Latest