Randy, nagpasalamat na kilala pa rin ng mga bata!

Magkasamang nagdiwang ng Father’s Day sa Hong Kong ang mag-amang Randy at Raiko Santiago. Masaya ang singer dahil kahit mayroong trabaho ay naka-bonding pa ang anak.
“Si Raiko ang kasama ko ngayon na Father’s Day. Years back nakasama ko ‘yung tatlong anak ko. Usually naman when we go around kasama ‘yung tatlo. Ngayon trabaho ‘to and si Raiko naman ‘yung nakakasama ko, siya naman ‘yung nag-a-assist sa akin. Kasi 23 (years old) na rin siya eh. Unlike dati ang mga anak ko pasabit-sabit lang. Sila na ang nagtatrabaho (ngayon) kasama ko,” nakangiting pahayag ni Randy.
Isang malaking karangalan para sa singer na mapabilang sa ginanap na HK Fest 2025 na bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng mga Pinoy sa Hong Kong. Naging espesyal na panauhin si Randy sa ginanap na Philippine Association o PAHK Ball 2025 sa Ritz Carlton noong Sabado at Saludo Concert sa Chater Road naman noong Linggo. “Marami tayong kaibigan na isinasama tayo. Aside from the whole group na sinasama tayo, buong MQuest (Ventures), Sing Galing Family na nakakasama natin. Nakakatuwa siyempre magkakasama kami ngayon. Hindi ka mag-isa, marami kayo, isang buong pamilya. Isang buong magkakapatid kaming magkakasama dito sa Hong Kong upang magbigay ng aliw sa ating mga Kapatid dito sa Hong Kong. Bonus na lang na makasama ko si Raiko, Father’s Day pa,” paglalahad niya.
Mag-aanimnapu’t limang taong gulang na sa Nobyembre si Randy. Lubos ang pasasalamat ng singer dahil nabibigyan pa rin ng pagkakataong makapagpasaya sa iba’t ibang panig ng mundo. “Nakakatuwa na ako ay nabibigyan pa rin ng pagkakataon to perform for more than 43 years already, or even more than that. Para mabigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataon na hanggang ngayon medyo malakas pa tayo. ‘Yung lakas natin ay nakaka-entertain pa tayo. Magamit pa rin nating sandata para mapasaya ‘yung mga tao.
Maraming salamat sa Panginoon na binibigyan pa niya tayo ng lakas para mag-perform. Maraming sakripisyo, ehersisyo, tamang pagkain. Kung gusto mo talagang magtuluy-tuloy pa ‘yung career mo, unang-una alagaan mo ‘yung sarili mo. Saka hindi ka dapat nakakatapak ng ibang tao. Siyempre kapag maraming galit sa iyo, walang kukuha sa iyo,” makahulugang pahayag ng singer.
Sa mahigit apat na dekada nang pagiging aktibo sa show business ay talagang sumikat si Randy sa kanyang mga proyektong nagawa. Maraming humahanga sa singer mapa-bata man o matanda. “Nakakatuwa siyempre nakikilala pa rin tayo ng mga bata eh. Inaalagaan ko paano to reintroduce myself. Para ipakilala ko ‘yung sarili ko sa mga kabataan, Gen Z and all.
“I’m just so grateful, lahat po nang nagmamahal hindi nang-iwan sa akin. Lahat ng mga magulang, lahat ng mga kaedaran ko. Kahit paano ipinapakilala nila ako sa kanilang mga anak. Maraming, maraming salamat sa suporta,” pagtatapos ni Randy. (Reports from JCC)
- Latest