Hiyasmin (288)
“NATUTUWA ako at kahit late na ako ay naghintay ka pa rin Hiyasmin. Talagang matitiyaga ang mga Pilipino,’’ sabi ni Mary Underwood nang nakaupo na ito.
“Salamat po, Mam Mary.”
“Kaya mahal ko ang mga Pilipino.”
“Nakakatuwa po ang mga sinasabi mo Mam Mary. Ngayon lang po ako naka-meet ng dayuhan na katulad mo na nagmamahal sa mga Pilipino.”
“Nag-iisa ba ako Hiyasmin?”
“Opo. Tanging ikaw lang nalaman ko.”
“Salamat.”
“Matagal ka na po bang sanay magsalita ng Tagalog, Mam Mary?”
“Matagal na—noon pa.”
“Pinag-aralan mo po ba ang wikang Filipino?”
“May nagturo sa akin—actually sa amin ng kapatid ko—ng Filipino languages. Pagkatapos ay nag-aral ako ng languages dito sa U.S. at isa sa minaster ko ay ang Filipino. Na-perfect ko ang Filipino languages at malaki ang naitulong ng Pilipina na nagturo sa amin. Bata pa ako nang matuto ng Filipino.”
“Talaga Mam Mary?”
“Oo. Pilipina siya.”
“Paano ka niya tinuruan, Mam?”
“Dati namin siyang nanny.”
“A kaya po pala.”
“Napakahusay niya. Bukod sa masipag at mabait ay maganda rin. Hindi ko siya malilimutan, Hiyasmin.”
“Nasaan na po ang nanny?”
Hindi agad nakasagot si Mary.
“Wala na akong balita sa kanya, Hiyasmin. Pero alam mo, maaaring buhay pa siya. Malakas ang kutob.”
“Baka matulungan kita, Mam Mary na mahanap siya.”
“Puwede ba, Hiyasmin?”
“Opo.”
“Sige. Pero marami pa akong sasabihin sa iyo. Baka makatulong sa paghahanap sa dati naming nanny.”
Hindi malaman ni Hiyasmin ang nararamdaman sa pagkakataong iyon.
Itutuloy
- Latest