Hiyasmin (291)
KINABUKASAN, maagang bumangon si Hiyasmin. Gusto niyang mauna sa venue ng ad congress. Ngayon ang huling pagsasalita ni Mary Underwood at tiyak na marami pa itong ibabahagi sa mga participants. Sa totoo, lang napakarami na niyang nalaman kay Mary ukol sa larangan ng advertising.
Maaring ngayon na rin ang huli nilang pag-uusap. Naisip ni Hiyasmin na dapat samantalahin na niya ang pagkakataon para itanong kay Mary ang lahat nang gusto niyang malaman. Sabi sa kanya ni Mary kahapon, marami pa itong ikukuwento. Siguro ang ikukuwento ay ang tungkol sa nanny nilang Pinay. Mukhang malalim ang nagawa ng Pinay nanny kaya hindi ito malimutan. Mukhang bukod sa tinuruan siyang matuto ng Tagalog o Filipino ay meron pang mahalagang bagay na nagawa ang Pinay nanny.
Inihanda ni Hiyasmin ang sarili sa muling pakikipagharap kay Mary Underwood. Bago siya lumabas ng kanyang room, tiniyak ni Hiyasmin na naka-save sa kanyang cell phone ang photo ng kanyang papa.
Kung ano ang kaugnayan ng photo ng kanyang papa, hindi pa rin tiyak ni Hiyasmin kung ano nga iyon. Hindi pa rin siya sigurado sa kanyang kutob.
Bumaba na siya at nagtungo sa venue ng ad congress.
Eksaktong 8:00 a.m. nagsimula ang lecture ni Mary Underwood. Nang matapos ang kanyang pagsasalita, marami ang nagpalakpakan dahil sa husay niya at sa rami ng naibahagi sa mga dumalo sa ad congress.
Gaya nang inaasahan, marami na naman ang nagpa-selfie kay Mary. May nagpa-autograph at may nagpa group picture.
Si Hiyasmin naman ay nagmamadaling nagtungo sa cafeteria na pagtatagpuan nila ni Mary.
Makalipas lamang ang ilang minuto, dumating na si Mary. Nakangiti ito nang lumapit kay Hiyasmin.
“Maaga ako ngayon, Hiyasmin. I’m sure wala ka nang masasabi sa akin, ha-ha-ha!” sabi nito.
“Wala akong masasabi kundi napakabuti mo, Mam Mary.” (Itutuloy)
- Latest