Parak na bano bumaril, sisibakin - Torre

MANILA, Philippines — Nakatakdang sibakin sa puwesto ang sinumang pulis na hindi marunong bumaril at babagsak sa proficiency test.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III sa kanyang pagdalo sa ika-3 PNP Press Corps 2025 Invitational Shoot Fest sa Camp Karingal sa Quezon City.
Ayon kay Torre, hindi katanggap-tanggap na ang isang pulis ay hindi marunong gumamit ng baril kaya naman may pagsasanay ang Training Service ng PNP upang mas mapabuti pa ng mga pulis ang paghawak at paggamit ng baril.
“Ito ay last recourse at last tool na ginagamit, na allowed na gamitin ng ating mga pulis. So, kailangan kapag mag-final option na tayo, you have to be very, very sure what we are doing... Very, very important ‘yan sapagkat buhay ang nakataya rito,” ani Torre.
Handa rin si Torre na pangunahan ang proficiency test na isasagawa ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development.
Bumili na rin sila ng maraming bala na gagamitin sa pagsasanay sa pagbaril ng mga pulis.
- Latest