Fish kill tumama sa baybayin ng Camarines Sur

CALABANGA, Camarines Sur, Philippines - Agad na pinuntahan at iniimbestigahan ng Fisheries Management Unit ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Bicol sa pangunguna ni regional director Ariel Pioquinto ang nangyaring fish kill sa karagatang sakop ng bayan ng Calabanga, Camarines Sur matapos na maglutangan ang iba’t ibang uri ng isda habang marami ang napadpad at nangamatay sa baybayin kamakalawa ng umaga.
Kumuha na ng sample ng mga namatay na isda at tubig sa dagat ang mga kawani ng FMU-BFAR upang magsagawa ng laboratory test para malaman ang sanhi ng fish kill.
Sa ulat, nagulantang ang mga residente at mangingisda mula sa Brgy. Cagsao at Isla Kawit ng naturang bayan nang bumungad sa kanila ang maraming patay na isda na mas kilala sa lokal na tawag na “dagsa” sa kanilang baybayin at marami ang nakitang palutang-lutang sa karagatang sakop ng lugar.
Inireport ito ng mga residente sa kanilang lokal na mga opisyal at sa BFAR na agarang nagpadala ng grupo upang mag-imbestiga.
Mahigpit namang nagbabala ang ahensya sa lahat ng mga residente na iwasan munang magluto, kumain at magbenta ng “isdang dagsa” hangga’t wala pang resulta ang kanilang pag-aaral.
- Latest