Mandatory face mask vs Mpox ikinasa sa Davao del Sur, Compostela

MANILA, Philippines — Dahil sa nakakaalarmang pagdami ng kaso ng Mpox (Monkeypox), ipinatutupad na sa lalawigan ng Davao del Sur at sa bayan ng Compostela sa Davao de Oro ang sapilitang pagsusuot ng face masks bilang proteksyon laban sa nasabing nakahahawang sakit.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 20, Series of 2025, iniutos ni Davao del Sur Governor Yvonne R. Cagas, ang mandatory na pasusuot ng face mask at ang pag-oobserba ng mga health protocols at tamang pagsunod ng mga health measures kasunod ng kumprimadong kaso ng Mpox sa Magsaysay, Davao del Sur.
“There is a pressing need to implement localized preventive measures to reduce the risk of transmission and ensure the preparedness of all municipalities and barangays within the province,” ayon sa kautusan ni Cagas na inisyu nitong Mayo 28, 2025.
Sinasaad sa kautusan na ang lahat ng residente at indibiduwal na sakop ng hurisdiksyon ng Davao del Sur ay kailangang magsuot ng face masks sa mga indoor public at enclosed spaces tulad ng mga palengke, mga sasakyan, tanggapan, iskul, simbahan at business establishments kabilang din ang mga outdoor areas o matataong lugar na walang social distancing.
Samantala sa Digos City, nilagdaan ni Mayor Josef Cagas nitong Biyernes ang isang executive order na nag-uutos ng pagsusuot ng mga personal protective equipment at face masks ang mga health workers na may inoobserbahang Mpox patients, or mga suspected cases na may mga indikasyon nito.
Inaatasan din ng mayor ang mga management ng mga establisyemento sa Digos City na magpatupad ng mahigpit na health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng Mpox sa lungsod.
Nanawagan si Cagas sa mga residente ng Digos City na iulat agad sa mga health stations sa lungsod kung may napunang may mga nasa kapaligiran nilang may mga sintomas ng Monkeypox.
Pinapayuhan ng lokal na pamahalaan ang publiko na magsagawa ng tamang paghuhugas ng kamay gamit ang 70 percent alcohol o alcohol based sanitizers at ang isang metrong pisikal na distansya.
Sa Compostela, naglabas din ng kautusan si Mayor Levi S. Ebdao sa ilalim ng Executive Order No. 40, Series of 2025, na nag-uutos ng pagsusuot ng face mask at istriktong pagsunod sa mga health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng to prevent Mpox at iba pang nakakahahawang sakit.
Nakasaad sa kautusan ni Ebdao may petsang May 29, 2025 na -- “There are already reported confirmed and suspected cases of Monkeypox in neighboring provinces within Davao Region, highlighting the urgent need for heightened preventative actions across nearby localities.”
Tulad sa Davao del Sur, sapilitan din sa lahat ng mga residente ang pagsusuot ng face mask sa buong bayan ng Compostela sa mga enclosed spaces, ang social distancing, paggamit ng alcohol at pag-obserba sa tamang pag-ubo at pagbahing.
- Latest