Ex-cop na ‘wanted’ sa pagpatay ng kasamang pulis, timbog

COTABATO CITY, Philippines — Nasa kustodiya na ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang isang dating pulis na pangunahing suspect sa pagpatay sa kasamahang pulis sa parking area ng isang mall, dito sa lungsod.
Kinumpirma nitong Martes ng local officials, ilan sa kanila mga kasapi ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council, ang pagkakaaresto nitong Lunes ng mga operatiba ng iba’t ibang units ng PRO-BAR kay Abdulpata Maguid Pantacan, 33-anyos, suspect sa pamamaril at pagpatay kay Police Senior Master Sergeant John Manuel Bongcawil sa parking area ng City Mall sa Governor Gutierrez Avenue, Cotabato City noong Disyembre 1, 2024.
Maliban sa kinakaharap na kasong murder sa Regional Trial Court Branch 27 sa Cotabato City, wanted rin si Pantacan sa kasong carnapping na nakabinbin sa RTC Branch 43 sa Koronadal City sa South Cotabato.
Ayon kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng PRO-BAR, nasukol si Pantacan ng mga operatiba ng mga units ng PRO-BAR at mga kasapi ng Cotabato City Police Office, pinamumunuan ni Col. Jibin Bongcayao, malapit sa Queen of Peace Church sa Almonte Street sa Cotabato City.
Si Pantacan ay huling nadestino sa provincial police office sa Basilan at nasibak sa pagka-pulis dahil sa pang-aabuso, absence without official leave o AWOL, at iba’t-ibang mga gawain na labag sa code of conduct ng Philippine National Police. Ang kanyang diumano’y napaslang na si Bongcawil ay kasapi ng isang intelligence unit ng PRO-BAR.
- Latest