Mahigit 3,000 smurfs, nagtipon sa France para sa Guinness Record
SA ikatlo nilang record attempt, nakuha ng isang maliit na bayan sa rehiyon ng Brittany, France ang pinapangarap nilang Guinness World Record matapos magtipon ang 3,076 katao na naka-“Smurf” costume noong May 19.
Matagal ng pangarap ng mga taga-Landerneau na mapasakamay nila ang world record title na ‘Most people dressed as Smurfs’. Ang naturang record ay hawak ng Germany mula pa noong 2019, kung saan nakapagtala sila ng 2,762 katao na nakasuot ng Smurf costume. Dalawang beses nang sumubok ang komunidad ng Landerneau, ngunit ngayon lamang sila nagtagumpay.
Sa suporta ng Paramount Pictures, bilang bahagi ng promosyon para sa nalalapit na pelikulang Smurfs na nakatakda sa July 18, mas pinaghandaan ng mga residente ang ikatlo nilang record attempt. Sa event, umulan ng kulay asul sa lansangan habang daang tao ang nagsuot ng puting sumbrero at may asul na pintura sa katawan.
Ang Smurfs, o “Schtroumpfs” sa wikang Pranses, ay likha ng Belgian cartoonist na si Pierre Culliford, na mas kilalang si Peyo, noong 1958. Mula noon, naging bahagi na sila ng pop culture sa buong mundo, mula komiks, cartoons at pelikula.
- Latest