Pangulong Marcos ‘di makikialam sa impeachment ni VP Sara

MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng Malacañang na isinusulong ni Pangulong Bongbong Marcos ang impeachment o impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“Wala pong anumang balita patungkol sa pag-pursue ng Pangulo sa impeachment or sa impeachment trial ni VP Sara. So iyan po ay ating tinututulan at pinasisinungalingan po, wala pong sinasabing anumang pagkumpiyansa na para mapatalsik o matanggal sa puwesto ang Bise Presidente,” lahad ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa isang press briefing.
Tugon ito ni Castro kaugnay ng katanungan kung kumpiyansa pa ba ang administrasyon na susulong ang impeachment case laban kay VP Sara sa pagpasok ng bagong komposisyon ng Senado kasunod ng katatapos lamang na 2025 midterm elections.
“Iyan usapin na iyan ay nasa senado na at hindi makikialam ang pangulo kung ano ang magaganap diyan”, sinabi pa ni Castro.
Ayon pa kay Castro, ang tanging hiling lang nila ay gampanan ng mga senador ang kanilang obligasyon, hindi lang para sa isang tao kundi para sa lahat ng taumbayan.
- Latest