DOH sa mga paaralan: Dengue, paghandaan na!

MANILA, Philippines — Pinaghahanda na ng Department of Health (DOH) ang mga paaralan ng mga pamamaraan upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng dengue.
Ito’y kasunod na rin nang nalalapit nang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa Hunyo 16 at pormal nang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Sa kanyang pakikiisa sa nationwide kickoff ng Brigada Eskwela 2025 sa Bacacay East Central School sa Bacacay, Albay kahapon, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang dengue ay isa sa mga problemang pangkalusugan sa bansa na nakaaapekto sa mga kabataan sa bansa.
Pinasalamatan din naman niya ang mga guro dahil sa pagtulong sa DOH dahil karamihan sa mga problemang kinakaharap ng ahensiya ay may kinalaman sa kalusugan ng mga kabataan.
“So the rainy season is starting, and I do hope that schools are now clean and well-maintained so they won’t become breeding grounds for mosquitoes that carry dengue,” ayon sa health chief.
Una nang nagbabala si Herbosa na posibleng magkaroon ng isang major dengue outbreak sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit sa unang bahagi pa lamang ng taon.
Samantala, nagpahayag din naman ng pagkaalarma si Herbosa sa iba pang health issues na kinasasangkutan ng mga kabataan, kabilang na rito ang vaping at human immunodeficiency virus (HIV).
- Latest