BBM vs Duterte: balik ang away
DALAWANG paksyon ng tradisyunal na pulitiko ang naglaban nitong Halalan 2025: ang administrasyong Bongbong Marcos Jr. at ang oposisyong Rodrigo Duterte.
Akala ng mga panatikong maka-BBM ay nakalamang sila sa pagluklok ng mga senador at kongresistang kapartido niya. Gan’un din ang akala ng mga DDS (diehard Duterte supporters).
Ang hindi nila alam, iisa lang ang kulay ng mga ‘yan. Sila-sila ang nagiging supermajority ng Senado at Kamara de Representantes. Sumasabay lang sila sa kumpas ng Presidente, Senate president, at House speaker.
Ehemplo niyan ang taun-taong pambansang budget. Kunwari dinedebate pa sa komite at tatlong plenaryo. Pero sa huli, supermajority ang nagpapasa ng budget na punumpuno ng pork barrels.

Dalawang uri ang pork barrels:
Una, ang budget para sa baha. Kunwari ay ide-dredge ang mga ilog at lawa para lumalim muli. Pero walang totoong dredging ang naganap. Resulta: mas malalim at malawak na baha tuwing tag-ulan.
Ikalawa, ang highway rock nettings, cat’s eyes, safety roller barriers, at asphalt overlays. Hindi lang basta kumikikil ang mambabatas ng 40 percent kickback. Mga senador at kongresista na rin ang kontratista at suppliers, kaya may patong pang 30 percent. Kabuuang 70 percent ang ninanakaw sa kada-proyekto.
Matindi na naman tutuligsain ng DDS ang mga maka-BBM dahil sa pagkakulong ng idolo nila sa The Hague. Lilitisin naman ng mga maka-BBM si impeached VP Sara Duterte sa salang anomalya sa pondo.
Tanong: Uunlad ba ang bansa kung mag-ubusan sila?
Sagot: Oo.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest