Ina sa Sweden, kinasuhan matapos gamitin ang anak sa isang Tiktok ‘egg’ prank
UMABOT sa korte ang isang viral na “prank” sa TikTok matapos hatulan ang isang ginang ng pananakit sa kanyang anak dahil sa isang kontrobersiyal na video na umani ng libu-libong views online.
Sa isang insidente noong 2023, sinabi ng 24-anyos na ginang sa kanyang anak na sila ay magluluto ng apple cake at ipo-post nila ito sa TikTok. Ngunit sa gitna ng masayang tagpo, bigla nitong binasag ang isang itlog sa noo ng bata. Tumulo ang yolk ng itlog sa mukha ng bata habang humahagikhik ang ginang.
Sa video, makikitang nasaktan at nabigla ang bata, at nakiusap itong itigil ang ginagawang biro.
Bagamat maraming magulang sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakiuso at gumawa ng egg prank sa kanilang mga anak, nagdulot nang matinding reaksyon sa Sweden ang viral video na ito.
Umabot ito sa humigit-kumulang 100,000 views sa TikTok, ngunit isang manonood ang nagdesisyong isumbong ito sa pulisya, dahilan upang imbestigahan ang ginang sa kasong harassment laban sa sariling anak.
Ayon kay Cecilia Andersson, ang piskal na humawak ng kaso: “Hindi mo basta-basta ginagawa ‘yan sa isang bata. Ang irekord siya habang pinapahiya at ibrodkas pa sa libu-libong tao, ay lubos na nakabababa ng dangal.”
Dagdag pa ni Andersson, kitang-kita sa video ang kasiyahan ng bata sa simula, sabik ang bata sa ideyang magbe-bake sila ng cake kasama ang ina, ngunit biglang napalitan ito ng gulat at sakit matapos ang prank.
Depensa ng ina, isa lamang itong pakikiuso sa isang sikat na challenge sa TikTok. Ayon dito, katuwaan lang ito at walang intensiyon na makasakit. Ngunit hindi ito tinanggap ng korte.
Nitong nakaraang buwan, idineklara siyang guilty ng Helsingborg District Court sa kasong harassment at pinagmulta ng SEK 20,000 (humigit-kumulang P120,000), na ipambabayad mismo sa kanyang anak bilang danyos.
- Latest