Paspasan ang pagsakdal sa mga pumatay at nanakit

TAPOS na ang halalan, pero hindi ang karahasan. Gan’un ang pulitika.
Maghihiganti ang mga namatayan at nasaktan nu’ng kampanya. Yan ay ku’ng mabagal o mahina ang PNP sa paglutas ng mga krimen.
Nu’ng Abril 23 pinatay si Mayor Joel Ruma ng Rizal, Cagayan. Dalawang kasama niya ang malubhang nasaktan. Pinatay din nu’ng Mar. 21 sina Bryan Villaflor, kanyang kasintahan, at bodyguard sa San Rafael, Bulacan. Si Villaflor ay information officer nina dating Rep. Lorna Silverio at anak na si Victor.
Tandaan ang babala ni dating Batangas congressman Hernando Perez. Iwasan ang karahasan, aniya, kasi mauuwi sa ganti-gantihan, maski sa magkakamag-anak.
Malubhang nasugatan si Vice Mayor Omar Sumama ng Datu Piang, Maguindanao del Sur sa ambush nu’ng Feb. 24. Ganu’n din si Kerwin Espinosa ng Albuera, Leyte. Parehong balitang marami silang armas. Napatayan pa ng tauhan si Espinosa nu’ng Disyembre.
Mahigit 550 rin ang insidenteng red tagging. Binansagang komunistang rebelde ang ilang kandidatong maka-kaliwa. Nag-uudyok ng pagpatay o pananakit ang red tagging. Winawasak nito ang kalayaan sa pagsasalita at paninindigan, kaya ibinawal ng Comelec.
Mainit ang mga labanang lokal dahil sa ego. Ayaw ng natalo na mapahiya sa mga kabayan. Ang mga dating nakapwesto at natalo ay mawawalan ng kapangyarihan. Hindi na sila ang hari o reyna sa lokalidad. Mawawala ang mga negosyo nila. Mapupunta sa kalaban.
Hanggang ngayon hindi pa nakakamit ang hustisya ng mga naiwan nina Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na kababayan nito. Ang pangunahing suspek sa masaker, si Rep. Arnolfo Teves, ay nasa East Timor. Malimit daw siya mag-golf at liwaliw.
- Latest