Expansion sa bed capacity ng PGH, ikinagalak ni Bong Go
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang mga kapwa mambabatas na sumuporta sa pagpasa ng Republic Act No. 12210, na nagpapalawak sa bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH) mula 1,334 hanggang 2,200.
“Ang PGH ay simbolo ng pag-asa para sa mga kababayan nating walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong ospital.Kaya obligasyon nating siguruhing kaya nitong tugunan ang lumalaking pangangailangan ng publiko”, wika ni Go.
Binigyang-diin ni Go na ang PGH expansion ay hindi lamang tungkol sa pagpapalakas ng kakayahan nito, bagkus ay tungkol din sa pagtataguyod ng hustisya para sa mahihirap at mahihina na umaasa sa ospital para sa pagliligtas ng buhay.
Ang suporta ni Go sa PGH ay sinimulan niya noon pang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iniutos ni Duterte ang paglalaan ng P100 milyon kada buwan sa PGH mula sa Social Fund ng nakaraang administrasyon para matulungan ang mahihirap na pasyente.
Ang iba pang programang tulong medikal ay ginawa ring accessible sa PGH sa pamamagitan ng Malasakit Center na itinatag sa ospital, alinsunod sa Malasakit Centers Act na pangunahing iniakda ni Go noong 2019.
- Latest