John Rendez, nagsisi sa operasyon ni Ate Guy bago namatay

Napaisip ang followers ni Lotlot de Leon sa kanyang sunud-sunod na cryptic post tungkol sa “truth” and “people who use other people.”
Noong isang araw nga ay nag-share ito ng series of quote cards sa kanyang Instagram Stories, na ang isa ay nagsasabing, “People who use other people as stepping stones will one day lose their balance.”
Kasama sa sumunod na post ng anak ng nasirang Superstar and National Artist Nora Aunor ang parang isang instrumento na may nakasulat na “truth” at “lie,” na may arrow na nakaturo sa huli.
Mabilis itong naikonek ng kanyang followers sa interview ni John Rendez kay Julius Babao na tumanggap pa diumano ng talent fee na ang pinag-uusapan ay si Ate Guy.
Totoo nga raw na wala naman itong sinabing masama pero sana raw ay hindi na lang magsalita nang magsalita si John tungkol nasirang actress ayon sa isang showbiz insider na gets ang ibig sabihin ng cryptic messages ni Lotlot.
Nabanggit ni John sa nasabing interview ni Julius na “Dealing with the loss of someone you love is never easy.
“But after the grief, there comes a kind of a liberating feeling when you find something to hold on to like the Lord. This has brought me closer to God.”
At inamin niya na kasama niya si Ate Guy hanggang sa mga huling sandali nito at kung paano biglaang dumating ang pagkamatay nito.
“Mali kami, hindi dapat siya nagpa-angioplasty. Kung kailan naopera, dun pa siya kinuha,” rebelasyon niya.
Sinabi niya ring naramdaman niyang hindi siya welcome sa burol ni Ate Guy. Nang pumasok daw siya ay pinagtitinginan siya ng mga tao na parang may ginawa siya.
At doon daw niya naramdaman na hindi siya welcome kaya tumayo na lang siya sa labas kasama ang fans.
Mahigit isang buwan nang namayapa si Ate Guy pero mukhang mahaba ang magiging usapan tungkol dito.
Song Joong Ki, binitbit ng barley sa ‘Pinas!
Naganap na kahapon sa Mall of Asia ang fan meeting ng South Korean superstar na si Song Joong Ki.
Daming kinilig dahil first time sa bansa ng Korean actor na massive ang popularity sa Pinoy fans lalo na nung time ng Descendants of the Sun.
Naalala ko lang na ilang beses kaming bumiyahe noon sa South Korea nila Manay Lolit Solis upang kahit paano ay makita ito sa ilang event doon. Hanggang nagkaroon pa kami ng chance na dumalo sa Busan International Film Festival.
Pero sadly, hindi nangyari, hanggang mga standee lang kami.
But anyway, dinala siya sa bansa ng isang brand ng barley.
Sa kasalukuyan ay may dalawang anak na si Song sa British wife nitong si Katy Louise Saunders at sa Italy na sila nakatira.
Coco at Julia, lilipad sa Kenya
Bibiyahe sa Africa sina Coco Martin at Julia Montes.
Sa unang pagkakataon nga ay dadalhin ng ABS-CBN ang Kapamilya stars sa Kenya para sa isang masayang selebrasyon upang magpasalamat sa ilang taong pagsubaybay sa mga programa ng ABS-CBN na umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa.
Isa itong milestone dahil pagkatapos ng maraming taon na pagtangkilik ng mga taga-Kenya sa mga Kapamilya teleserye, personal na nilang makakasalamuha ang Kapamilya stars na napapanood lang nila noon sa mga paborito nilang serye.
Makakasama nga ng fans ang CocoJul sa Kapamilya Live in Kenya para ipagdiwang ang parehong kultura ng Pilipino at Africa na gaganapin ngayong Hunyo 28 sa Nairobi Cinema.
Bukod dito, inanunsyo na rin ng ABS-CBN ang pag-ere ng kinakikiligang serye nina Coco at Julia na Walang Hanggan sa Hulyo, at ang serye naman na pinagbibidahan ni Julia na Saving Grace na ipapalabas sa Setyembre. Pareho itong mapapanood sa StarTimes channel ngayon taon.
Tuluy-tuloy ang pamamayagpag ni Coco sa Africa kung saan patok sa mga manonood ang serye niyang FPJ’s Batang Quiapo, na kilala sa pamagat na Gangs of Manila at kasalukuyang umeere sa 41 na bansa sa Africa. Tumatak din sa mga manonood sa Africa ang mga teleserye ni Julia tulad ng Ikaw Lamang, Doble Kara, Asintado, at iba pa.
Mahigit dalawang dekada nang umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa ang mga programa ng ABS-CBN.
Lala sotto, nagbitiw rin!
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa lahat ng mga miyembro ng gabinete at pinuno ng mga ahensya na magsumite ng kanilang courtesy resignation, pormal na naghain ng kanyang courtesy resignation ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio noong Biyernes, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary Lucas P. Bersamin.
Sa kanyang liham na natanggap ng Office of the President, ipinarating ni Chair Lala ang kanyang pasasalamat sa pagkakataong makapaglingkod sa administrasyong Marcos, Jr. at mamuno sa MTRCB sa pagpapatupad ng mandato nito na suriin ang mga pelikula, na tinitiyak na ang nilalaman ay nananatiling angkop at naaangkop sa edad para sa mga manonood na Pilipino lalo na sa mga bata.
“It has been a profound honor to serve in your administration and to lead the MTRCB in fulfilling its mandate of guiding and safeguarding the content consumed by the Filipino public,” aniya.
“I remain grateful for the opportunity to contribute to nation-building through this agency and for the trust you have placed in me during my tenure.”
Si Chairperson Lala ay itinalaga ni Pangulong Marcos Jr. noong Hulyo 7, 2022, at mula noon ay pinamunuan niya ang MTRCB habang pinalalakas ang pagtataguyod ng media literacy sa pamamagitan ng mga kampanya tulad ng Responsableng Panonood program, at paggawa ng makabago sa mga sistema ng pagsusuri ng Ahensya upang makasabay sa patuloy na nagbabagong tanawin ng media.
As of this writing ay wala pang update kung tinanggap o hindi ni Pangulong Marcos ang nasabing courtesy resignation ni Chair Lala.
Halos lahat ng miyembro ng Gabinete at pinuno ng mga ahensya ni Pangulong Marcos, kabilang ang mga opisyal na may ranggo ng kalihim, ay nagsumite ng kanilang courtesy resignation sa Malacañang noong Mayo 22, kasunod ng utos ng Pangulo. May ibang hindi tinanggap at may mga pinalitan na sa kanilang posisyon.
- Latest