Mga benepisyo sa PhilHealth i-promote sa mga miyembro - Bong Go
MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tiyaking ganap na maipapaalam sa bawat Pilipino ang kanilang membership status at mga benepisyong dapat makuha sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law.
“Napakahalaga na alam ng bawat Pilipino na miyembro sila ng PhilHealth. Kapag sigurado sila sa benepisyo nila, hindi sila matatakot na magpa-check up o magpaospital,” ayon sa senador.
Ipinunto ni Go na sa kabila ng automatic coverage ng lahat ng Filipino sa ilalim ng UHC law, marami pa rin ang hindi nakaaalam ng kanilang membership.
Binanggit niya ang kamakailang numero mula sa PhilHealth na nagpapahiwatig na nasa 27.8 milyong Pilipino lamang ang kasalukuyang naka-enroll sa programang Konsulta (Konsultasyong Sulit at Tama).
“Marami pa rin ang hindi alam na automatic na silang miyembro. Dapat may malinaw na pruweba na nagpapatunay na bahagi sila ng PhilHealth,” dagdag niya.
Upang matugunan ito, isinusulong ni Go ang pagpasa sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2983, o ang panukalang Philippine Health Card Act of 2025. Ang panukala ay naglalayong mag-isyu ng simple, abot-kaya, at matibay na ID—digital man o pisikal—para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth.
“Para sa ordinaryo nating mga kababayan, malaking tulong kung may hawak kang proof na miyembro ka. Kahit lumang ID, digital man o integrated sa national ID—ang mahalaga, may pinanghahawakan ang bawat Pilipino na masasandalan kapag nagkasakit,” paglilinaw niya.
Binigyang-diin din ng senador na may pagpasa man o wala sa panukalang batas, dapat palakasin ng PhilHealth ang kanilang outreach program at tiyaking magiging maayos ang kaalaman ng mga miyembro tungkol sa kanilang coverage at karapatan.
- Latest