88 LTO execs masisibak sa anomalya

205 driving schools ipasasara
MANILA, Philippines — Nasa 88 opisyal ng Land Transportation Office (LTO) ang namimiligrong masibak sa puwesto habang 205 namang driving schools ang posibleng maipasara dahilan sa umano’y pagkakasangkot sa iba’t ibang anomalya kabilang ang non-appearance sa pag-iisyu ng theoretical and practical driving certificates.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty.Vigor Mendoza II na ang hakbang ay bahagi ng agresibong crackdown laban sa mga sangkot sa samu’t saring iligal na aktibidades.
Ayon kay Mendoza, nabulgar sa kanilang imbestigasyon na 88 hepe ng mga District Offices ng LTO ang sabit sa irregularidad at dahil dito’y iisyuhan ang mga ito ng Notice to Explain (NTE) kung bakit hinayaang mamayagpag ang maling sistema sa mga driving schools na nasa kanilang responsibilidad at hurisdikyon.
Tinukoy ng opisyal na kabilang sa paglabag ng mga driving schools ay ang tampering ng mga access sa Land Transportation Management System (LTMS) para mai-upload ang Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates para sa kanilang mga kliyente na mas marami kumpara sa arawang limitasyon na itinatakda ng LTO.
Gayundin ang pagiisyu ng PDC at TDC certificates sa kabila ng hindi naman nakumpleto ang rekisitos sa oras, non-appearance sa issuance ng PDC at TDC certificates. Ang PDC at TDC ay pangunahing rekisitos sa pag-a-apply ng driver’s license.
Hindi nila nais na may makompromisong buhay ng mga road users at maging ng mga commuters.
- Latest