MMDA: TNVS iisyuhan ng sticker para sa number coding exemption

MANILA, Philippines — Nakatakdang maglabas ng sticker ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ikakabit sa verified Transportation Network Vehicle Service (TNVS) para mabilis matukoy ang pagiging exempted sa number coding.
Isa ito sa tinalakay ni Artes noong Sabado sa pakikipagdayalogo sa Grab/Move It Driver Forum noong Hunyo 7, 2025.
“TNVS units are exempt from number coding, so the question is what basis we use to identify them,” ani Artes.
Sinabi niya na upang matulungan ang mga traffic enforcer na makilala ang mga exempted na sasakyan, maglalabas ng sticker ang MMDA para sa mga verified TNVS units.
Nakipag-ugnayan na aniya ang MMDA sa pamunuan ng TNVS upang makuha ang listahan ng mga sasakyang at kapag naisumite sa kanila ay bineberipika ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa wala namang sticker na TNVS units o pribadong sasakyan, maari silang magpakita ng franchise documents habang ang mga motorsiklo na kabilang din sa ride-hailing services ay hindi ito problema dahil hindi naman kasali sa number coding ang mga ito.
Samantala, sa katanungan hinggil sa big bikes na pinapayagan sa car lanes, nilinaw ni Artes na ang mga motorsiklo na may engine displacements na 400 cc pataas ay hindi na kinakailangan na manatili sa motorcycle-exclusive lanes sa mga pangunahing lansangan.
“The mere fact that we are no longer allowing them to split lanes means we are not doing them a favor. These big bikes need to share the lane with four-wheel vehicles, whick are slower,” ani Artes.
Binigyang-diin niya na ang big bikes at ordinaryong motorsiklo ay hindi tungkol sa mayaman o sa mahirap.
“Big bikes deserve lane flexibility not out of privilege, but because they pose different safety and mechanical concerns,” ayon sa post ng MMDA.
Paalala pa ng MMDA sa mga rider na hindi pinapayagan ang lane splitting o pagdaan ng mga motorsiklo sa pagitan ng mga sasakyan sa dalawang magkatabing lane.
- Latest