Hiyasmin (270)
“PALAGAY ko Lira, alam ni Mam Maryam na buntis ka,’’ sabi ni Siony.
“Ipinagtapat kaya ni Rashid?”
“Oo. Kasi, batay sa mga naobserbahan ko nung nabubuhay pa si Rashid, parang close silang magkapatid. May isang pagkakataon na umuwi mula sa U.S. si Maryam at nakita kong may pinag-uusapan silang magkapatid sa hardin. Kahit mataas ang pader ng kanilang bahay, nakikita pa rin sila. Kaya malakas ang kutob ko, alam ni Mam Maryam na buntis ka at si Rashid ang ama.”
Hindi nakapagsalita si Lira. Totoo kaya ang sapantaha ni Siony? At kung totoo, ano naman ang silbi sa kanila ni Hiyasmin?
“Kaya alam mo, Lira, hindi pa tapos ang koneksiyon ni Hiyasmin sa pamilya ng kanyang ama.”
“Anong ibig mong sabihin, Siony?”
“Marami pang maaring mangyari.”
“Tulad ng ano?”
“Baka isang araw, mag-meet si Mam Maryam at Hiyasmin.”
“Imposible yata, Siony.”
“Walang imposible, Lira. Ngayon pang meron nang Facebook, Instagram at kung anu-ano pa. Lahat posible.”
Nag-isip si Lira.
Tila may katwiran si Siony.
Itutuloy
- Latest