Poyos isinampa ang UST sa panalo

MANILA, Philippines — Muling lumiyab ang opensa ni reigning Rookie of the Year Angge Poyos upang tulungan ang University of Sto. Tomas na lapain ang mahirap na 25-21, 20-25, 25-13, 27-25 panalo kontra sa Adamson University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nahirang na Best Player of the Game ang 21-anyos na outside hitter matapos irehistro ang 21 points mula sa 20 attacks at isang block para sa pangatlong sunod na panalo ng Golden Tigresses.
Tangan ang 3-1 record, nasa pangalawang puwesto sila sa team standings, habang nalasap ng Lady Falcons ang pangalawang talo sa apat na laro.
May tsansa sanang makahirit ng deciding fifth set ang Adamson matapos nilang habulin ang limang puntos na pagkakalubog, 18-23, at maitabla ang iskor sa 24-24 ay nakalamang pa sila sa 25-24.
Subalit nanatili ang bangis ng UST at kinalmot ang tatlong sunod na puntos para tapusin ang laro sa loob ng dalawang oras at 17 minuto.
Bumakas si Regina Grace Jurado ng 17 points mula sa 13 kills, tatlong blocks at isang service ace, habang may 10 markers si Althena Sophia Abbu.
Impresibo ang ipinakitang laro ni super rookie Shaina Marie Nitura mula sa kanya ng 28 points kasama ang 26 spikes sa panig ng Lady Falcons.
- Latest