Mayor Abby, inireklamo sa Ombudsman sa pagsasara ng mga pasilidad sa EMBO
MANILA, Philippines — Ipinagharap ng mga kasong administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman si Makati Mayor Mar-Len Abigail Binay-Campos kaugnay sa usapin ng umano’y pagharang niya na magamit ang mga pasilidad ng EMBO barangays na nailipat na ang hurisdiksyon sa lokal na pamahalaan ng Taguig.
Nakasaad sa reklamo na inihain ng mga residente ng South at East Rembo, Taguig, nitong Mayo 9, 2025, lumabag umano si Binay sa graft o Republic Act 3019, Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, at Article 231 Ng Revised Penal Code kaugnay sa naging aksyon na ipasara ang mga health center, daycare facility at iba pang serbisyong pangpamayanan sa mga lugar ng EMBO gayung pinagtibay na at may kautusan ang Korte Suprema na nagbabawal sa sa Makati na mag-exercise ng jurisdiction sa EMBO barangays.
Batay sa mga reklamo, nakaranas sila ng matinding hirap dahil sa pagkawala ng mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar.
Isa sa kanila, isang senior citizen na may iba’t ibang chronic illness, ay nagsabing ilang buwan siyang hindi nakakuha ng kanyang maintenance na gamot.
Ang isa naman, isang cancer survivor, ay nagsabing napilitan siyang bumiyahe ng malayo para makapagpagamot matapos ipasara ang health center sa East Rembo.
Ang mga pampublikong pasilidad ay itinayo sa inilaan ng batas para sa kapakanan ng mga residente ng EMBO.
Binanggit sa reklamo ang Proclamation No. 1916, na nagtatalaga sa nasabing lupa para sa institusyonal at pampublikong gamit ng mga residente ng Cembo, South Cembo, East at West Rembo, Pembo, Pitogo, Rizal, at Comembo.
- Latest