P43.8 bilyong ilegal na droga nakumpiska sa ilalim ng Marcos admin

MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa P43.8 bilyon na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa bloodless anti-drug campaign simula nang mag-umpisa ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 2022.
Ang nasabing datos ay tatlong beses na mas mataas kumpara sa P14.3 bilyon na halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang war on drugs ng Duterte admin ay nabahiran din ng kontrobersiya dahil sa mga ulat hinggil sa umano ay extrajudicial killings ng mga hinihinalang drug users at dealers, at mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng Marcos admin, sumentro ang estratehiya sa pagsasagawa ng “bloodless drug war” na kinapapalooban ng intelligence-driven operations na layong masolusyonan ang problema sa ilegal na droga nang hindi nagkakaroon ng karahasan.
Kasabay nang pagtaas ng datos ng nakumpiskang illegal drugs sa ilalim ng Marcos admin ay bumaba rin ang mga insidente ng karahasan.
Ayon sa datos ng PNP, mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2019, nakakumpiska ng P14.3 bilyon na halaga ng illegal sa ilalim ng kontrobersyal na crackdown ng Duterte admin.
Habang sa kasalukuyang administrasyon, umabot na sa P43.8 bilyon ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga mula July 2022 hanggang May 17, 2025.
Inaasahan din ng PNP na tataas pa ang datos kasunod ng utos ni Pangulong Marcos na mas palawigin pa ang mga operasyon hindi lamang laban sa mga high-value targets kundi maging sa mga small-scale drug offenders.
- Latest