Belen, NU ibabaon kirot ng season 85

MANILA, Philippines — Para kay two-time Most Valuable Player Mhicaela “Bella” Belen may kirot pa itong nararamdaman nang mabigong ma depensahan ng National University ang kanilang titulo kontra De La Salle University sa Season 85 ng UAAP women’s volleyball tournament.
Muling susubok ang Lady Bulldogs na masungkit ang back-to-back titles pagharap nila sa Lady Spikers sa Game 1 ng kanilang best-of-three finals UAAP Season 87 na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong alas-5 ng hapon.
Kaya sisikapin ni Belen at ng NU na hindi na mauulit ang masaklap na naranasan para naman maganda ang pagtatapos ng collegiate volleyball career ng dating Rookie-MVP.
“Coming sa Finals is ayaw na namin maranasan o maramdaman ulit yung sakit nung nangyari sa amin nung Season 85. This is our goal na eh — one step closer na kami na mag-back-to-back so hindi na namin siya papakawalan.” ani Belen.
Alam na ni Belen kung ang ang pakiramdam ng nagdedepensa ng korona kaya asahang pamumunuan nito ang opensa ng koponan upang masikwat ang inaasam na kampeonato.
“We’ve been here before and we know na po ano ang feeling defending the crown. Hindi siya magiging madali kasi siyempre, La Salle is a champion team. So kailangan times three yung paglalaro namin,” ani Belen.
Determinado si Belen na makuha ang korona sa kanyang huling season, kaya makikipagtulungan ito kina Alyssa Jae Solomon, Evangeline Alinsug at Erin May Pangilinan.
Ipaparada naman ni DLSU head coach Ramil De Jesus sina Angel Anne Canino na dati rin Rookie-MVP, Amie Provido, Shevana Maria Nicola Laput at Alleiah Jan Malaluan.
Bago sumalang sa Finals ang Lady Bulldogs, nilapa nito ang Far Eastern University sa semifinals habang pinatalsik naman ng Lady Spikers ang University of Sto. Tomas.
- Latest