Higit 1K traffic violations naitala sa unang araw ng NCAP

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pumalo na agad sa 1,112 na traffic violations ang naitala sa unang araw ng pagpapatuloy ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) noong Lunes.
Pero, sinabi ng MMDA na mas mababa ang kabuuang bilang ng traffic violations noong Lunes kumpara sa mahigit 3,000 na naitala sa parehong petsa noong nakaraang taon na kung saan ay hindi binigyan ng ticket ang mga nahuling pasaway na motorista dahil sa inilabas na temporary restraining order ng Korte Suprema sa NCAP.
Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group director Atty. Vic Nuñez, kabilang sa mga karaniwang paglabag na nahuhuli sa ilalim ng NCAP ay ang hindi pagsunod sa traffic sign, iligal na paggamit ng EDSA busway gayundin ang motorcycle lane at hindi rin pagsunod sa loading at unloading areas.
Batay sa 20 listahan ng mga paglabag sa batas trapiko na parurusahan sa ilalim ng NCAP, aabot sa P100 hanggang P2,000 ang itinakdang multa para sa mga motoristang lalabag.
- Latest