5-minuto responde ng pulis, utos ni Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng pulisya na rumesponde agad sa lugar ng krimen nang hindi lalampas sa limang minuto.
Ito aniya ay para mas mabilis na makaresponde ang kapulisan sa lugar kung saan nagaganap ang krimen.
Sa podcast interview ng Pangulo, inatasan din nito ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na siguruhin na ang kapulisan ay malapit sa tao.
Bukod dito, nais din ni Marcos na magkaroon ng police visibility para mapigilan ang anumang krimen, gayundin ang pagkakaroon ng unified emergency hotline para sa mas mabilis na pagresponde ng mga otoridad.
“So ang una naming ginawa, inutusan ko silang – ng DILG at saka Chief PNP – sinabi ko sa kanila, dapat laging may nakikita na pulis na naglalakad. Kasi pagtagal ng panahon, nakikilala mo na ‘yun,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kapag madalas din aniyang nakikita ng mga tao ang mga pulis sa lansangan ay nararamdaman nilang ligtas sila at magiging kaibigan pa nila ito.
Pinuna naman ng Pangulo ang maraming emergency numbers kaya nagkakaroon ng kalituhan sa publiko, kaya magpapatupad ang gobyerno ng single crisis hotline para sa emergency hotlines tuwing mayroong krisis.
“Di ba mayroon tayong iba-iba eh – 119, 911, 999, kung anu-ano. Gagawin naming isa,” ayon pa sa pangulo.
- Latest