Media groups suportado Ruiz sa matatag na PCO

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang tatlong kilalang organisasyon ng media na kinabibilangan ng Justice Reporters’ Organization (JUROR), SOCCSKSARGEN Press Club, at Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) kay Presidential Communications Secretary Jay Ruiz, dahil sa kanyang propesyonalismo, integridad bilang mamamahayag, at kakayahang pamunuan ang PCO.
Sa pahayag ng JUROR na binubuo ng mga beteranong mamamahayag na nakatalaga sa justice beat, ipinakikita ni Ruiz ang mga katangian ng isang tagapaghatid ng impormasyon na may katarungan, kalinawan, at respeto sa karapatan ng publiko na malaman ang totoo.
Marami sa mga taga JUROR ang nakatrabaho si Ruiz at magpapatunay ng kredibilidad nito at maging ang pag-unawa sa papel ng media.
Sinegundahan naman ito ng SOCCSKSARGEN Press Club, sa pamamagitan ng kanilang Manifesto of Support na ipinadala kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin si Ruiz bilang pinuno ng PCO.
“Si Secretary Jay Ruiz, isang bihasang broadcast journalist, ang pinakaakmang mamuno sa PCO bilang pangunahing sangay ng komunikasyon ng administrasyong Marcos,” ayon kina Club President Joseph Jubelag at Chairman Atty. Isaias Golez Jr.
Nagpahayag din ng suporta si PAPI President Nelson Santos, na binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy sa mga komunikasyon ng pamahalaan, lalo na sa panahong puno ng ingay sa pulitika at presyur mula sa publiko.
Nagbabala rin si Santos tungkol sa hindi magandang tingin ng publiko sa madalas na pagpapalit ng lider sa PCO, lalo na’t si Ruiz na ang ikaapat na press secretary mula 2022.
- Latest