Lahat ng ayuda sa 4Ps pag-iisahin
MANILA, Philippines — Panahon na para pag-isahin ang lahat na “ayuda” program sa ilalim ng kasalukuyang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ayon kay incoming Senator Panfilo Lacson.
Sinabi ni Lacson na ito ay bahagi ng kanyang pagsulong ng good governance, kasama ang mas matinding pagbusisi sa pambansang budget, sa kanyang pagbalik sa Senado.
“Ngayon pa lang, nagpapa-draft na ako sa prospective legislative staff ko ng amendment sa batas patungkol sa 4Ps. I-expand na lang yan, ma-cover ang mawalan sa trabaho, ang kulang sa kita. Huwag na ang napakaraming nomenclature kasi nakakalito at hindi saklaw ng batas, wala namang basehan. At ito parang naging political tool na lang ng mga mambabatas para gamitin sa kanilang pangangampanya whether panahon ng kampanya o hindi pa, ganoon ang kinalalabasan,” ani Lacson.
“Mas maganda ang 4Ps kasi ito data-driven, ito may batas, at may pinanggagalingan, may listahan na pinag-aralan. May guma-graduate, may papasok, ‘di tulad ng napaka-indiscriminate, ang TUPAD, AKAP, AICS, MAIP, katakut-takot, maraming duplication,” dagdag niya.
Ipinunto ni Lacson na ang 4Ps at ang pagpapatupad nito ay may kasamang pag-aaral ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment, at ibang implementing agencies.
Sa ngayon, ikinalungkot niya na may ilang mambabatas ang nakisali sa pagpapatupad ng ayuda. Sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), nag-allocate ang bicameral conference committee ng P21 bilyon para sa Kamara at P5 bilyon sa Senado, na hindi naman implementing agencies.
Iginiit din ni Lacson na paiigtingin niya ang pagbantay sa pambansang budget, kabilang ang 2025 budget na inilarawan niya bilang “one of the most corrupt national budgets” na nakita niya sa 18 taon niya sa Senado.
- Latest