EDITORYAL - Epektibo ba ang K to 12 program

SA Pulse Asia Survey noong Marso 23-29 kaugnay sa K to 12 Program, 42 percent ang nagsabing hindi sila satisfied sa programa at 32 percent naman ang nagsabi na hindi sila satisfied. Sa survey pa rin ng Pulse Asia ukol naman sa Senior High School (SHS) program, 40 percent ang dissatisfied at 33 percent ang satisfied.
Sabi ni Senator Sherwin Gatchalian, lider ng senate basic education committee na dapat magkaroon nang pagre-review sa SHS program at mapatibay ito. Nagkaroon ng pagdinig ukol sa isyu at nakakita ng mga problema. Ayon pa kay Gatchalian, bigo ang programa na mapaikli ang taon sa kolehiyo kagaya ng mga napag-usapan noong 2012 nang magkaroon ng senate hearing. Hindi naman nagpahayag nang pagtutol sa K to 12 ang senador.
Ang pagtalakay sa SHS program ay nag-ugat nang ihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa nakaraang pagdinig ng Senado na tinatayang 18.96 milyon na senior at junior high school students na nagtapos noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng simpleng istorya.
Ang inihayag ng PSA ay nagpagimbal kay Gatchalian, at tinawag na “functionally illiterate” ang mga Pilipinong hindi makabasa at makaintindi makaraang makakumpleto ng ilang taon sa high school. Ayon kay Gatchalian, nakaaalarma ang ganitong sitwasyon. Aniya, ang kahirapan at kakapusan ng karunungan ay magkaugnay at kapag may Pilipino na hindi marunong sumulat, bumasa at mag-compute, mananatili ang karukhaan sa bansa.
Ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino ay napatunayan noong 2022 kung saan nangulelat sa Science, Math at Reading Comprehension ang maraming junior high school students. Hindi sila nakaabot sa required proficiency levels at kalahati sa kanila ay bumagsak.
Sa isa pang report, bagsak din ang Pinoy students sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA noong 2022. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment. Nakababahala rin ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino sa Kasaysayan. Imagine, Kasaysayan ng mismong bansa ay bagsak ang mga nagtapos ng high school. Sa nangyayaring ito, epektibo pa ba ang K to 12 program o dapat na itong alisin.
Sa ilalim ng K-12 program, ang mga mag-aaral ay daraan sa: 1 taon sa Kindergarten, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa junior high school, at 2 taon sa senior high school. Sa dati o lumang programa, 6 na taon sa elementarya at apat na taon sa high school ang binubuno na may kabuuang 10 taon. Sa loob ng 10 taon (2013-2023) mula nang ipatupad ang K-12 program, walang nakitang pagbabago sa sistema ng edukasyon at bumaba pa ang kalidad ng edukasyon.
Nararapat gumawa ng hakbang si DepEd Sec. Sonny Angara ukol dito.
- Latest