Pangulong Marcos kuntento sa paghahanda ng DepEd sa Balik Eskwela
MANILA, Philippines — Kuntento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakikitang paghahanda ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase para sa school year 2025-2026 sa Lunes, Hunyo 16.
Nag-inspeksyon ang Pangulo kasama si DepEd Secretary Sonny Angara sa dalawang paaralan sa Malolos City, at San Miguel, Bulacan nitong Lunes ng umaga kaugnay sa pagsisimula ng Brigada Eskwela na tatagal hanggang sa June 13.
Sinabi ni Pangulong Marcos na masaya siya sa ginagawang paglilinis at pagsasaayos sa mga paaralan sa buong bansa para masiguro ang kundisyon ng mga pampublikong paaralan.
“I’m very happy that we are doing a better job I think in preparing for the school year. And everybody has already been enrolled into this effort,” wika ng Pangulo.
Siniguro naman ng Presidente na lahat ng mga departamento ng gobyerno ay nakahanda upang sumuporta sa ano mang pangangailangan ng mga estudyante upang masiguro ang maayos na pag-aaral ng mga ito sa buong school year.
Unang binisita ng Presidente kasama si Angara ay ang Barihan Elementary School sa Malolos City at sumunod ang Tibagan Elementary School sa San Minuel, Bulacan.
Namahagi rin si Marcos at Angara ng 22 tablets at laptops, at school bags na may kasamang school supplies sa ginawang pagbisita sa Malolos City.
- Latest